Heneral Luna: Revyung Pampelikula

  1. Pamagat

Ang pamagat ng pelikula na “Heneral Luna” ay mula sa apelyido ng ating bayani na si Antonio Luna at ang “Heneral” ay idinagdag sa unahan bilang paggalang at pag-alala na siya ay isa sa mga mahuhusay na heneral ng ating bansa na umagapay sa pagtataboy ng mga dayuhan, partikular na ng mg Amerikano. Tunay ngang isa siyang matapang, makabayan at kagalang-galang na bayani kaya ang pag-alala ay nararapat lamang sa kanya at isa ang paglikha ng pelikula sa mga hakbang upang tuluyang maitatak sa puso ng mg Pilipino ang kaniyang kabayanahian.

  1. Tauhan
  2. Heneral Antonio Luna (John Arcilla) – Ang pangunahing tauhan sa pelikula at ipinakita ang kagitingan sa paninindigang ang Pilipinas ay sa mga Pilipino at hindi sa Amerikano. Siya ay isang mahusay, matapang at matalino, ngunit may madaling uminit na ulong heneral na patuloy sa kanyang paniniwala kahit pa makalaban ang ibang mga Pilipino, partikular na ang pangulo, na nagtaksil sa kanya sa huli.
  3. Pangulong Emilio Aguinaldo (Mon Confiado) – Siya ang kinikilalang unang pangulo ng Pilipinas na namumuno nang dumating ang mga Amerikano. Pinakasinusunod siya ng mga mabababang pinuno ng sandatahan kaya naman bahagyang nahirapan si Heneral Luna sa kanyang mga plano. Maikukumpara rin siya sa isang ahas sa damuhan na dapat ay kakampi ngunit patagong magtataksil sa kanyang kapwa Pilipino.
  4. Apolinarion Mabini (Epy Quizon) – Ang unang “prime minister” ng Pilipinas sa ilalim ni Aguinaldo. Hindi siya makabalintuna sa mga adhikain ni Aguinaldo sapagkat pawang mas mataas ang pangulo. Hindi rin niya nalaman ang pagkitil kay Luna bagama’t siya ay may nararamdamang kakaiba lalo na nang makita niya ang bolong may dugo ng isa sa mga sundalo.
  5. Jose Alejandrino (Alvin Anson) – Isa siya sa mga pangunahing kakampi ni Antonio Luna sa kanilang paninindigang nararapat lumaya ang Pilipinas mula sa mga Amerikano na siyang kapwa heneral nito.
  6. Col. Francisco “Paco” Roman (Joem Bascon), Cap. Eduardo Rusca (Archie Alemania), Cap. Jose Bernal (Alex Medina) at Major Manuel Bernal (Art Acuña) – Sila ang iba pang mga katiwa-tiwalang kasamahan ni Heneral Luna sa kanilang pakikidigma laban sa mga Amerikano.
  7. Felipe Buencamino (Nonie Buencamino) at Pedro Paterno (Leo Martinez) – Silang dalawa ay naninindigan sa debate na nararapat panatilihin ang pakikipagkalakalan sa mga Amerikano ng mga Pilipino, kabalintuna nila Heneral Luna.
  8. Cap. Pedro Janolino (Ketchup Eusebio) – Siya ang kapitan ng Kawit Batallion at hindi siya sumunod sa utos ni Luna sapagkat ayon sa kanya ay si Aguinaldo lamang ang sinusunod niya. Siya rin ang pangunahing nagtaksil sa Pilipinas na sa utos ni Aguinaldo ay pinatay niya at ng kanyang batalyon sina Luna at Roman.
  9. Gen. Arthur McArthur Jr. (Miguel Faustmann)at Gen. Elwell Otis (E.A. Rocha) – Sila ang namumuno sa mga Amerikano sa pakikidigma sa mga Pilipino.
  1. Buod

 Nagsimula ang pelikula sa pagdedebate ng gabinete sa kung nararapat ba ang presensya ang mga Amerikano sa Pilipinas kasama sina Pangulong Emilio Aguinaldo at Apolinarion Mabini. Kabilang sina Pedro Paterno at Felipe Buencamino sa mga sumasang-ayon sa pakikipagkalakalan ng Pilipinas sa mga Amerikano, subalit ipinapaglaban naman nina Heneral Luna at Jose Alejandrino ang pakikidigma tungo sa paglaya ng Pilipinas. Humingi si Luna ng permiso sa pangulo upang masimulan nila ang pang-unang pag-atake sa mga Amerikano ngunit tiniyak naman ni Aguinaldo na tutulong ang mga Amerikano sa paglaya ng Pilipinas mula sa Kastila. Sa kasamaang palad, ang mga Amerikano pala ay sumugod sa mga pangunahing bayan na nagmitsa ng posibleng digmaan laban sa kanila.

Si Luna at ang kanyang mga pinagkakatiwalaang kakampi ay nakidigma na laban sa mga Amerikano at sa gitna ng labanan ay humingi ng dagdag pang sundalo si Luna ngunit hindi ito sinunod ni Janolino sapagkat si Aguinaldo lamang daw ang kanyang sinusunod, bagay an ikinagalit ni Luna. Matapos iyon, tinipon ni Luna ang 4,000 na sundalo at ipinatupad ang kilalang “Artikulo Uno” na nagsasabing ipapapatay nang walang paglilitis ang hindi sumunod sa kanyang utos.

Habang nagpapatuloy ang digmaan, ikinagalit ni Luna ang pagsang-ayon nina Buencamino at Paterno sa panukala ng Amerikano sa awtonomiya kaya ipinakulong niya ang mga ito.  Pinahina rin siya ng pagtanggi ni Mascardo sa pagbibigay ng dagdag na sundalo at ang paglaya nina Buencamino at Paterno ay nakapagpadismaya kay Luna kaya naghain siya kay Aguinaldo ng resignasyon. Subalit, itinanggi ito ng pangulo na nagbigay naman sa kanya ng kuwartel sa Hilaga.

Nagpadala ng telegrama si Aguinaldo na nag-uutos kay Luna na tumungo sa kanya, ngunit kahit na kahina-hinala ay tumungo pa rin siya kasama lamang sina Roman at Rusca. Nagkita sila ni Buencamino roon at nagbatuhan ng maiinit na salita. Nang may magpaputok sa labas, tinungo ito ni Luna at doon siya pinagbababaril ni Janolino at ng kanyang mga sundalo.

Sa utos ni Aguinaldo ay nilibing si Luna at Roman nang may mataas na sundalong karangalan. Marami ang naghinala kabilang na si Mabini, subalit itinanggi ni Aguinaldo ang kasamaang kanya namang tunay na pinangunahan. 

  1. Repleksyon

Sa panonood ng pelikulang Heneral Luna, marami akong natutunang kaalaman at napagtantong mga aral na maaaring isabuhay. Isa sa aking mga impormasyong natutunan ay ang pagiging magiting na bayani at ang kahalagahan ni Heneral Luna sa kasaysayan, sapagkat kung hindi dahil sa kanya ay agad tayong nasakop ng mga Amerikano. Natutunan ko rin na hindi lahat ng mga pangulo ay may pinong kalooban, katulad na lamang ni Pangulong Aguinaldo na handang ipakitil ang kapwa Pilipino, kaya nararapat na mag-ingat tayo sa ating ihahalal na pinuno sa kasalukuyan. Dagdag pa rito, kinakailangan din natin na maging mapanuri sa makakasama sa ating landas sa buhay dahil maaaring sila mismo ang magtaksil sa atin at pumutol sa pagtitiwalang inakala natin ay nararapat ibigay. Bukod sa mga aral na aking natutunan, pinasasalamatan ko rin ang director at mga tao sa likod ng pelikula na ito. Ito ay sapagkat nakatulong ito upang muling buhayin ang kasaysayan at magbigay karunungan sa mga mamamayang Pilipino, partikular na sa mga kabataan. Sa kasalukuyan kasi, moderno na ang mga kabataan, mahirap para sa kanila ang magbasa ng mga aklat upang alamin ang ating kasaysayan kaya naman tunay itong nakaagapay sa promosyon nito. Tunay ngang maraming bayani ang nanindigan laban sa pananakop ng dayuhan. Sila ay nararapat nating bigyang–parangal at alalahanin bilang pagpapakita ng pasasalamat sa pag-aalay ng kanilang buhay para sa Pilipinas.

  • Pahayag mula sa Pelikula

1. “Paano ninyo iisipin ang negosyo kung ang sarili nating bansa ay sakop ng Amerikano?”

– Heneral Antonio Luna

Ito ay winika ni Heneral Luna nang nakikipagtalo siya sa isang miyembro ng gabinete na inaalala ang kanyang pamilya at ang kahihinatnan ng negosyo kung kakalabanin ang Amerikano. Sinampal niya ang Pilipinong ito sapagkat mali siya na nararapat talagang unahin ang bayan muna bago ang pamilya at ang pansariling hangarin. Wala rin naman tayong sariling negosyo at maaring mawala ang ating pamilya kung, sa huli, ay Amerikano ang may hawak sa bansa.

2. “Ipagdasal natin ang kapayapaan, ngunit paghandaan natin ang digmaan.”

– Apolinario Mabini

Tinuran naman ito ng “prime minister” na si Apolinario Mabini dahil nasisilayan niya ang taos-pusong pinararating ni Heneral Luna na hindi tayo maaaring sa kapayapaan lamang umasa. Bagama’t mayroong posibilidad na mabuti ang mga Amerikano, maaari pa ring hindi ito totoo. Nararapat na ang mga Pilipino ay maniwala sa Diyos tungkol sa kapayapaan, ngunit nararapat pa rin na mayroong sariling kilos at iyon ay ang paghahanda sa digmaan. Maihahalintulad ito sa kasabihang: “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”

3. “Isa ka nang mahusya na doctor; may mapayapang buhay na naghihintay sa iyo sa isang banda, pero heto ka at nakikipaglaban.”

– Laureana Ancheta (Ina ni Henral Luna)

Sa isang pahayag na ito ay naibuod na ng kanyang ina ang kabayanihang ginawa ni Heneral Luna. Siya ay isa nang doctor na may kakayahan namang mamuhay nang mapayapa, subalit pinili niya pa rin ang madugong paglaban para sa Pilipininas kahit na ito ay maaring magdala sa kanya sa kapahamakan. Ang siping ito ay nagpapatunay ng kagitingan ni Luna at nararapat isabuhay ng bawat Pilipino tungo sa pagiging makabayan.

Revyung Pampelikula ni Jacob Ambrocio sa pelikulang Heneral Luna, 2018

Leave a comment